(From the sermon entitled, “Ang mga Nagsisipaglingkod sa Dios na naghahanap ng Magiging Kagantihan” for dates October 9 and 12, 2014)
![heaven]()
Ang tunay na lingkod ay may sapat na unawa na ang pangunahing dahilan ng kaniyang paglilingkod ay sapagkat ito ang kaniyang pangunahing katungkulan sa dakilang Lumikha. Ito ang pangunahing dahilan ng pagkakalikha sa atin bilang tao. Tayo ay putik lamang sa magpapalayok, at bilang nilikha lamang ng Dios, tungkulin nating ibigay sa Kaniya ang nararapat na pagsamba at paglilingkod.
Ang Dios ay marapat nating pagukulan ng ibayong pagluwalhati, sapagkat tunay na marapat sa Kaniya ang lahat ng kapurihan at karangalan. Siya’y banal at Makapangyarihan, at Siyang tagapagbigay ganti sa lahat ng mga tao. Siya ang magbibigay ng gantimpala sa lahat ng naglingkod, nagtiis at nagtagumpay, at Siya din ang magbibigay ng walang hanggang parusa sa lahat ng tumalikod, hindi nagtapat at hindi sumampalataya.
Sa kaniyang mga awit, pinuri ni David ang Panginoong Dios, tunay na marapat sa Kaniya ang lahat ng kapurihan at kadakilaan. Mababasa natin, “Kaya’t pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng buong kapisanan; at sinabi ni David, Purihin ka, Oh Panginoon, na Dios ng Israel na aking ama, magpakailan kailan man. Iyo, Oh Panginoon ang kadakilaan, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, at ang pagtatagumpay, at ang karangalan: sapagka’t lahat na nangasa langit at nangasa lupa ay iyo:iyo ang kaharian, Oh Panginoon, at ikaw ay nataas na pangulo sa lahat. Ang mga kayamanan at gayon din ang karangalan ay nangagmumula sa iyo, at ikaw ang nagpupuno sa lahat; at nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan; at nasa iyong kamay ang pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat.” (1 Cronica 29: 10-12)
Walang ibang Dios na ipinakikilala ang Biblia na nagkaloob sa atin ng lahat ng ating pangangailangan. Tanging ang nagiisang Dios na ating kinikilala at sinasampalatayanan ang nagkaloob sa atin ng lahat.
Siya din ang Dios na tumawag at pumili sa atin upang tayo ay maging mga tunay na mga anak sa loob ng Kaniyang banal na tahanan, ang bahay ng Dios, na walang iba kundi ang iglesia ng Dios (1 Timoteo 3:15). Kaya’t isang malaking karangalan at mabiyayang kapalaran ang tinamo ng bawat isa na maging sangkap at kaanib ng iglesiang katotohanan.
Kaya’t ang bawat tumanggap at sumampalataya sa Kaniya ay binigyan ng pagkakataong maging Kaniyang mga anak, na mga ipinanganak na muli sa pamamagitan ng Kaniyang kalooban, gaya nang pahayag, “Datapuwa’t ang lahat ng sa kaniya’y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan: Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios.” (Juan 1: 12-13)
Kaya’t sa loob ng Kaniyang bahay, nadama natin na mayroon tayong tunay na Ama, ang Dios. Isang Ama na walang sawang gumagabay, nagpapala, nagiingat at kumakalinga sa atin. Tumutugon sa lahat ng ating mga samo at dalangin, at Ama na Siyang ating kanlungan na nagtatanggol sa atin sa lahat ng uri ng kasamaan.
Ang dakilang kapalarang ito ang dahilan kung bakit hinahangad nating tayo ay makapaglingkod sa Kaniya nang lubos. Bukod dito, ang paglilingkod sa Dios ay mayroong malaking pakinabang na dapat nating maunawaan. Kung tawagin man tayo ng Dios upang maglingkod sa Kaniya, ang higit na makikinabang nito ay tayo na Kaniyang mga anak.
Pangunahing malaking pakinabang ay ang kaligtasan ng ating kaluluwa. Hangad ng Dios na maunawa natin ang katotohanan at tamuhin ang kaligtasan, at ito ay ipinangako Niya sa lahat ng magtitiyaga, “Sa mga nagsisipagtiyaga sa mabubuting gawa sa paghanap ng kaluwalhatian at puri at ng di pagkasira, ay ang buhay na walang hanggan.” (Roma 2: 7) At ito ang tunay na layunin ng pananampalataya na ipinaliwanag ni Apostol Pedro, samakatuwid ay ang magtamo ng kaligtasan ang tao (1 Pedro 1:9).
Bukod dito, naniniwala tayo na anuman ang dumating sa ating buhay, hindi tayo kaylanman pababayaan ng Dios. Pagusapan man natin ang materyal na pakinabang, nangako ang Dios na unahin lamang natin ang Kaniyang kaharian at ang Kaniyang katuwiran, ay walang salang idaragdag sa atin ang ating mga pangangailangan (Mateo 6: 31-33).
Hindi nangangahulugan na sasagutin ng Dios ang bawat kailangan natin. Hindi natin maaaring iaasa ang lahat ng pangangailangang materyal sa Dios. Kailangan din nating kumilos at magpagal upang masumpungan ang ating mga pangangailangan, at kalakip nito ay ang pagbibiyaya ng Dios upang ang mga ito ay masumpungan natin.
Dapat nating maunawaan na ang paglilingkod sa Dios ay ispirituwal. Kaya tayo naglilingkod sa Dios hindi upang tamuhin ang mga biyayang materyal. Naglilingkod tayo sapagkat ang pakinabang na ating minimithi ay hindi panlupa, kundi nauukol sa kaharian ng langit.
Kaya nga ipinayo sa atin na samantalang naglilingkod ay sikaping maging panatag at matutuhan nating lubos na magtiwala sa Kaniya. Gaya nang payo, “Upang kayo’y magsilakad ng nararapat sa Panginoon, sa buong ikalulugod niya, at magsipamunga sa bawa’t gawang mabuti, at magsilago sa kaalaman ng Dios; Na kayo’y palakasin ng buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng kaniyang kaluwalhatian, sa buong pagtitiis at pagpapahinuhod na may galak; Na nagpapasalamat sa Ama, na nagpaging dapat sa atin upang makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan.” (Colosas 1:10-12)
Bagaman alam ng marami na ang paglilingkod sa Dios ay gawaing isipirituwal, hindi maikakaila na mayroong ilan na iba ang naging pananaw ukol dito.
Mayroong ilan na iba ang uri ng kagantihang hinahanap mula sa paglilingkod sa Dios.
Sa sulat ni Apostol Pablo sa mga taga-Corinto, ipinahayag niya, “Sapagka’t kung ipinangangaral ko ang evangelio, ay wala akong sukat ipagmapuri; sapagka’t ang pangangailangan ay iniatang sa akin; sapagka’t sa aba ko kung hindi ko ipangaral ang evangelio. Sapagka’t kung ito’y gawin ko sa aking sariling kalooban, ay may ganting- pala ako:nguni’t kung hindi sa aking sariling kalooban, ay mayroon akong isang pamamahala na ipinagkatiwala sa akin.” (1 Corinto 9:16-17)
Niliwanag niya dito na ang pangangaral ng ebanghelyo ay pangunahin niyang tungkulin na tinanggap mula sa Panginoong Dios. At kung hindi niya ito magampanan, ay tinitiyak niyang magiging aba ang kaniyang kalagayan sa paningin ng Dios. At ito ay ginagawa niya hindi dahil sa kaniyang sariling kalooban lamang kundi ito ang kalooban ng Dios sa kaniya.
Kaya’t sinabi niya na kung sa sarili lamang niyang kalooban, maaaring maghangad siya ng materyal na pakinabang. Subalit hindi niya ito ginawa. Hindi siya naghanap ng anumang bagay na materyal kapalit ng pagtupad niya ng kaniyang katungkulan.
Bagaman kung tutuusin, mayroong karapatan si Apostol Pablo na makinabang nang husto sa materyal na bagay, gaya nang kaniyang sinabi, “Kung ipinaghasik namin kayo ng mga bagay na ayon sa espiritu, malaking bagay baga na aming anihin ang inyong mga bagay na ayon sa laman?” (1 Corinto 9:11) Subalit hindi niya ginamit ang karapatang ito.
Hindi siya naging pasan sa mga kapatid. Hindi siya tumanggap ng anumang materyal na kabayaran sa pagganap niya ng kaniyang tungkulin. Sapagkat ang paniniwala niya, ang kabanalan ay may malaking kabayaran, ngunit hindi dito sa lupa kundi doon sa buhay na walang hanggan. Hindi tayo dapat magkaroon ng kaisipan na ang kabanalan ay paraan ng pakinabang gaya nang naging kaisipan ng ilan (1 Timoteo 6:5), “Pagtataltalan ng mga taong masasama ang pagiisip at salat sa katotohanan, na nagsisipagakala na ang kabanalan ay paraan ng pakinabang.”
Katulad ang mga ito ng mga nagsisisunod sa Panginoong Hesus sa Kaniyang pangangaral. Sinusundan siya ng mga ito hindi dahil sa pananampalataya sa Kaniyang mga salita, kundi dahil sa sila ay nakakakain at nabubusog ng mga tinapay at isda na ibinibigay sa kanila (Juan 6:24-26).
Kung materyal na pakinabang lamang ang magiging kapalit ng ating paglilingkod sa Dios, sinabi ng Biblia na tayo ang higit na kahabaghabag sa lahat. Sinabi ito ni Apostol Pablo, “Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag.” (1 Corinto 15:19)
Ang totoo, mayroong karapatan ang isang tagapangaral na umani ng materyal na bagay sa kaniyang pagpapagal. Bagay na hindi ginamit ni Apostol Pablo, upang siya ay maging isang tagapangaral na hindi bayaran. Ginagawa niya ito nang boluntaryo at hindi dahil sa may hinihintay siyang kapalit.
Bukod dito, ayaw ni Apostol Pablo na maging pasanin siya ng mga kapatid. Sa kaniyang sulat ay ipinahayag niya, “Aking sinamsaman ang ibang mga iglesia, sa pagtanggap ko ng upa sa kanila, upang ipangasiwa ko sa inyo; At pagka ako’y kaharap ninyo at ako’y nagkukulang ng ikabubuhay, ako’y hindi naging pasan sa kanino man; sapagka’t mga kapatid nang sila’y manggaling sa Macedonia ay tumakip ng aming pangangailangan; at sa lahat ng mga bagay ay pinagingatan kong huwag maging pasanin ninyo, at magiingat nga ako.” (2 Corinto 11:8-9)
Niliwanag niya dito na ang upa na kaniyang tinatanggap ay ginagamit niya hindi sa kaniyang sariling pakinabang. Ginagamit niya ito upang ipangasiwa sa mga kapatid. Natuto siyang gumawa ng paraan upang hindi maging pasanin sa mga kapatiran.
Ang bawat ambag ng kapatid ay hindi para tustusan ang pangangailangan ng tagapangaral. Ang bawat ambag ay upang tumakip ng pangangailangang isipirituwal gaya nang naganap sa mga kapatid noong araw sa kaniyang kapanahunan.
Kaya’t makatitiyak tayo na bawat ambag na ating ipinagkakaloob ay nauuwi lahat sa pangangaral at pangangasiwa sa lahat ng kapatiran na nasa iba’t ibang mga dako ng iglesia. Sinusunod natin ang naging pamamaraan ng pangangasiwa ni Apostol Pablo, na huwag maging pasanin ng mga kapatid pagdating sa pinansiyal na aspeto.
Ang araling ito’y naglalayong turuan tayo, una ay maunawaan nating lubos na ang kagantihan sa paglilingkod sa Dios ay hindi dito sa lupa. Ang paglilingkod ng isang kapatid ay gagawin niya hindi upang hamunin ang Dios na siya ay pagpalain dito sa lupa. Maglilingkod ang isang kapatid upang hintayin ang higit na malaking gantimpala, samakatuwid ay ang buhay na walang hanggan, doon sa langit, sa piling ng dakilang Dios.
At ito ay makakamit ng isang kapatid sa pamamagitan ng pagsisikap sa lahat ng gawaing paglilingkod. Gaya nang payo ni Apostol Pablo, “Ang mayayaman sa sanglibutang ito, ay pagbilinan mo na huwag magsipagmataas ng pagiisip, at huwag umasa sa mga kayamanang di nananatili, kundi sa Dios na siyang nagbibigay sa ating sagana ng lahat ng mga bagay upang ating ikagalak; Na sila’y magsigawa ng mabuti, na sila’y magsiyaman sa mabuting gawa, na sila’y maging handa sa pamimigay, maibigin sa pamamahagi; Na mangagtipon sa kanilang sarili ng isang mabuting kinasasaligan para sa panahong darating, upang sila’y makapanangan sa buhay na tunay na buhay.” (1 Timoteo 6:17-19).
Ikalawa, ay magkaroon tayo ng ganap na pagtitiwala sa kapangasiwaan, na anumang ambag ang ating itinutulong ay napupunta lahat ito sa gawaing ukol sa Dios. Pakatandaan lamang natin na hindi liko ang Dios upang limutin ang bawat mabuting gawa na ating ipinakikita. Ang pag-ambag o pagtulong ay isang gawaing tiyak na makapagbibigay kasiyahan sa Dios lalo pa nga kung isinasagawa natin nang ayon sa Kaniyang kalooban, hindi sapilitan at masaya ang ating puso samantalang isinasagawa natin ito (2 Corinto 9:7).